"di ko inakalang makakapagsuot ako ng itim na toga tulad nito. ang buong akala ko ay hanggang pangarap lang ito… pero eto na, at totoong nangyari na nga! Iba talaga ang feeling at ipinagmamalaki ko ito!!!"Alam naman natin na ang edukasyon ay isang oportunidad para sa lahat. Ito ay isang kayamanan na hinding-hindi mananakaw ng iba. Hindi naman lahat ay nakakapagtapos ng pag-aaral at nakakarating sa ganitong yugto ng kanilang buhay, maswerte na ang ilan. At ako, bilang isa sa mga nakapagtapos noong taong 2008, buong pagkatao kong ipinagmamalaki ito, kasama ng mga kapwa mag-aaral o estudyante sa buong mundo.
MULING PAGTANAW:
Hindi madaling kalimutan ang 4 na taon ko sa kolehiyo ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (Polytechnic University of the Philippines or PUP). Naaalala ko pa ung panahon na una akong tumapak sa aking unibersidad na kinabibilangan - may takot ako nun, may kaba… may pag-aalinlangan sa bagong kapaligiran na aking gagalawan… Hindi ko alam ang maaaring mangyari sakin dun.
Nagpatuloy ako sa lakad ng aking buhay estudyante. Tama! Lakad lang ng aking ginawa sa buhay ko dahil ayokong magmadali sa pagtakbo nito. Ayokong matapos agad ang 4 na taon ko nang hindi ko man lang nararanasan ang madapa, matapakan, mabigo at muling pagtayo… Minarapat kong lasapin ang mga paghihirap na ito nang dahan-dahan para sa mga susunod na araw at mga susunod na pagkakataon ay buong tapang ko nang haharapin ang mga ito at buong lakas kong ipagsisigawan na nalagpasan ko ang sakit at sugat ng paghihirap na iyon.
Tulad ng nasabi ko, pumasok ako sa unibersidad na puno ng takot at pangamba. At habang tumatagal, nababawasan ang mga takot at panagambang iyon… Unti-unti na akong nasasanay sa totoong takbo ng buhay at sa pagkakataong iyon, hindi ako dapat mapag-iwanan. Dapat ay sumabay ako sa takbo nito. hindi din naman ako pwedeng manguna dahil baka may malimutan at malagpasan ako sa buhay kaya minarapat ko lang na sumabay at sabayan lang ito hanggang sa aking makakaya....
Sa ngaun, 3 taon na ang lumipas nang ako ay lumisan sa unibersidad na aking pinaglingkuran sa loob ng 4 na taon. Alam kong hindi dito nagtatapos ang pagsubok. Nagsisimula pa lang ang mas matindi pang problemang haharapin ko... Sa unibersidad nahubog ang tunay kong pagkatao upang ihanda ako sa mga susunod pang patibong…
