Monday, January 31, 2011

Hanggang sa sikatan kami ng araw

(Ang buong kwento ng previous post ko - Ano ba ang "X")


August 13, 2010. Biglang naisipan naming magbabarkada na magkita-kita. Its been almost 7 months na din kasi kaming hindi nagkikita. Busy kasi kami sa work at mahirap magawan ng paraan sa schedule. Eto na lang uli ang pagkakataaon dahil halos lahat sa amin ngayon ay walang work ng weekends.


After ko sa work, umuwi lang ako para maligo at magpalit ng damit tapos, umalis din agad dahil late na ako sa usapan namin. Tinext ko si EX, I asked her kung nasaan na sya, sabi nya male-late din daw sya. Ang ibang berks namin ay kumpleto na dun, kami nalang ang wala. So, dahil ayokong mag grand entrance sa Shakeys na ako lang ang bukod tanging late sa usapan, sabi ko kay EX na sabay na lang kami para at least dalawa kaming late. ahaha.. Nagkita kami sa MRT North Station... Dapat ay 7pm ay nasa megamall na daw kami para mag dinner. Eh kaso, mga 8:30pm na kami nakarating ng megamall. 


8:30pm. Ang meeting place - Shakeys Restaurant. Nakaupo na sila dun, mukang matagal ng nakaupo pero wala pang order kasi hinihintay kami hahaha. We ordered 2 monster meal grabe, dun palang, ang laki ng gastos pero ok lang kasi madami naman kami so maliit nlng ang partihan at di na masyado masakit sa bulsa. 4 na pizza, 2 carbonara, 2 spaghetti, 24 pcs. fried chicken, 2 basket ng mojos, 2 basket ng garlic bread at softdrinks. ang dami! di namin kinaya, pina takeout namin ang tira. ahahaha sayang eh. hinintay namin ang closing ng mall at umalis kami sa Shakeys ng mga 10.45pm. may mga tao pang natira at kumakain pa, pero ang mga crew ay busy na sa paglilinis.


11pm. usapan namin ay overnighit. tambay lang. so after ng dinner, we rented a van papuntang Tiendesitas. anong meron sa Tiende? inom ng konti, nagpalipas ng oras, nakinig sa mga performer dun at kinain namin ung takeout namin dun. Hindi namin alam na nagsasara din pala ang Tiende ng hanggang 2am. Hindi na kami nagpunta pa sa ibang resto sa metrowalk kasi gumastos na kami sa Shakeys at sa Tiende. Gusto lang namin ng lugar na mapagtatambayan.


2am. Pagtapos namin sa Tiende ng 2am, di namin alam kung saan kami na kami tutuloy. Kami lang naglalakad dahil mostly, may wheels. ahahaha. paki ba nila! we're just young professionals! lol. Ang iba sa amin, halatang di sanay sa puyatan at inaantok na. ung iba pwede umuwi sa kanila pero madami sa amin ang di na pwedeng umuwi sa oras na un, kasi mahirap magbyahe ng 2am at sarado ang mga gate ng bahay namin. Isa ako dun sa mga di pwedeng umuwi kasi sarado na ang gate ng bahay. So, umuwi na nga ang iba sa amin at 7 nalang kaming natira. nag-iisip kung saan pwede tumambay at matulog dahil di nadin kaya ng ilan.


It was the 1st time na na nagdecide kami na patulan ang mga motel sa Ortigas. hindi para sa iniisip mong kababuyan, kundi para matulog. Tawa kami ng tawa sa desisyon namin. parang di kami makapiniwala na maghahanap kami ng motel para lang magpalipas ng umaga. so taxi galore na naman kami. ganun pala ang feeling ng naghahanap ng motel, lahat kami kinakabahan at nahihiyang sabihin sa taxi driver na "manong, san ba pinakamalapit na motel dito?" may halong tawa habang sinasabi ang mga salitang un. madami kaming napuntahan, 3 siguro sa Ortigas pero walang nangyari. wala daw available rooms. puno. grabe naman, Velentines ba kaya puno sila? bookings? ahahaa... kung meron man, ay mga single rooms lang para sa mga "mag-ano" ung pwede. at hinahanap namin ay ung famiily room para lahat kami andun, at para iwas sa isip nilang may gagawin kami. malilinis ang utak namin, kaso nga lang, wala talagang bakante.


3am. taxi uli kami papuntang Cubao, dun ang alam namin pinakamalapit na Sogo Hotel from Ortigas at alam namin na pwede ang family rooms sa Sogo. pero nabigo lang kami. wala din vacant room. Meron isa pero 5:30am pa magchecheck-out ung andun. Nagpunta kami ng Araneta Center. nakakatakot maglakad, kasi may mga nakatambay na adik. eh todo porma pa kami, knowing na sweldo pa at 2 sa amin ay colcenter agents (si EX at AKO) at ung iba sa programming company. binilisan namin ang lakad at naglakas loob kami na maglakad dun sa may liwanag at may nakikita din kami mga grupong tao na naglalakad. So safe... 


Sa Araneta Center ang Eurotel. (experience the best Hotel in Europe pa ang tag-line nila) hahaha. kakatawa. wala na sa amin kung magkano, basta makahiga lang at pagod na din ang mga paa namin. pero WALA ULING VACANT ROOM! bwiset.


pagod na kami. di na kami naghanap pa ng motel dahil 3:30am na din naman. konting oras na lang, makakauwi na din kami at may araw na. un na lang ang nasa isip namin. Tumambay na lang kami sa Araneta Center pa din, tapat ng Colisuem malapit sa Telus. madami kasing tao dun kasi colcenter ang Telus at may mga employee na pagala-gala so safe na kami dun. Kwento-kwento para di makatulog, nanlalait ng mga taong kalait-lait na naglalakad, tatawa etc. In fact 26 hours na akong gising, pero ung 4 sa amin na nasa normal progamming world ay tamad na tamad na. ahaha. (naexperience nadin nila ang buhay colcen sa madaling araw)


hinintay na namin ang araw. 5:30am, kumain na kami sa Mcdo para derecho tulog na lang pag-uwi. At sa wakas, tapos na din ang aming "mini-adventure". haayy, sa tagal namin magkakasama, ito ang 1st time na nagawa namin ang adventure na to. Masaya hindi dahil sa nagkasama uli kami, kundi masaya na rin dahil umuwi na kami.





==========================

- Lesson learned?

- puno ang mga motel every friday. kasi madaming travellers pag weekend at gimikan talaga kapag friday. kung magdedecide na gumala uli, make sure na may mapagtatambayan na lugar. Ahahaha. It could have been better if we stayed in a bar na lang or maybe a comedy bar para atleast open pa until 5am. ( at next time un ang plano namin ahahahaha)


Ano ba ang "X"


(NOTE: Ang mga pangyayari na mababasa nyo ay matagal ng naganap. Last year pa ito... Nagbackread lang ako sa tumblr ko at nakita ko tong posts na ito. Natuwa naman ako at kelangan ishare ko senyo for entertainment purposes. Entertainment?? ahaha)

(June 27, 2010)
bday ng EX ko ngayon, at dahil close pa din naman kami, tinext ko sya kanina. pasimpleng greet ng happy bday. 
AKO: Bday mo ngaun dba? tama??… naku, ang malas nmn pala ng araw na to!
EX: (replied) HAHA! pakyu ka!!!
AKO: same to u! behlat! wahahaha… 
and we end up laughing sa text. tpos, di ko na uli sya tinext kasi di ko na hawak ang cellphone ko at pumasok nko sa work.. mamaya na lang uli ako magtetext sa kanya para singilin sa mga utang nya… wahahaha

---------------------------------------------------------------

may biniling oxygen tank si EX para sa acquarium nya. may alaga syang fighting fish na color blue.
AKO: ano yan?

EX: oxygen para sa isda ko

AKO: ahh, alam mo ba paglagay nyan?

EX: oo naman! ano akala mo sakin?
AKO: TANGA! (sumagot aagad ako ng di pa sya tapos magsalita). hahaha
EX: gagu ka talaga! (sabay tawa)


nung reunion namin nung friday night, atat siyang umuwi kasi di pa daw nya napapakain ung alaga nyang fighting fish. usapan overnight. before that, pinatago nya sa bag ko ung pagkain ng isda nya.

EX: uuwi din ako mamaya noh pagtapos kumain 
AKO: WAG KANG UMUWI! 
EX: at bkit? 
AKO: di ako pwede umuwi eh, sarado na gate ng bahay namin, tulog na sila. 
EX: and so? kasalanan ko? ahaha 
AKO: tae ka, sige uwi ka, sama ako makikitulog ako senyo. wahahaha 
EX: hayop ka! 
AKO: ahaha. nasa akin ung food ng isda mo, sige umuwi ka, di ko bibigay sayo to. 
EX: tae ka talaga! 
Ako: ahahaha… yehey, walang uuwi! isda lang un noh. bkit magkano ba bili mo dun? 
EX: mura lang, wala pang 200 
AKO: gusto mo palitan ko pa yan eh 
EX: sige nga 
AKO: ahahah… bkit patay na ba un? di pa naman ah. ahahah 
AKO: ano uuwi ka pa? ahaha
 EX: *tahimik* 
AKO: OK, walang uuwi guys! ahahahaa


------------------------------------
(continuation pa din ng kwentong nasa itaas)

ganun pala ang transaction sa mga motel. ngayon ko lang nalaman kasi ngayon lang din ako nakapasok together with my friends. kung may car ka or taxi, sasalubong agad ang crew sa inyo at sasabihin kung may vacant room pa o wala. kung meron, saka ka nila ihahatid sa room.
dun ko din nakita ung mga sari-sari nilang promo. kaya kami natatawa kasi may mga nakita kaming 2 hours quicky, discounted price for 5 SOLID HOURS. ahaha. ang di namin magets ay ung “5 solid hours” ano un? bakit may “solid hours” pa eh? hay, whatever. panibagong experience na naman to. Oo nga’t sa PUP Sta. Mesa kami nag-aral, madami din motel na nakapaligid dun, pero ni minsan, di namin inisip na i-challenge ang mga sarili namin na maghanap ng matutuluyan para lang magpalipas ng umaga sa labas. ahahaha. grabe, tawa lang kami ng tawa. 
may crew pa ngang nagsabi sa amin na “sir sorry po, wala pong available rooms eh. try nyo lang po sa iba”. wow, complete customer sevice, may suggestion pa. sabi ko naman, “kuya, teka lang ah, madami kasi kami eh, family rooms ang hanap namin” (at tumatawa kami pati si kuyang crew ay natawa. ahaha.
infairness, maganda pala ang ambience sa reception ng mga ganun. parang HOTEL talaga. comfortable. pag naginquire ka at may room na available, tatawagin pa nila ung room number nyo at ihahatid na kayo. That’s what we have observed while waiting inside and while still deciding where to go next. may pamilya pa nga na nag-iinquire din, pero wala din silang makita dahil puno talaga.
pero para sa mga madudumi ang isip jan, lilinawin ko lang po, we ended up staying not inside a motel. walang vacant room at fully booked ata silang lahat. at gustuhin man namin matulog, ay inabot na din kami ng umaga kaya useless na din ang mag-stay dun. at we therefore conclude, di lahat ng taong gustong mag-stay sa motel ay may balak gawin ung “iniisp mo”. may mga tao din na sadyang gusto lang matulog at magpahinga dahil no choice sila at walang matutuluyan. kumbaga, kanya-kanyang trip lang yan. hahahaha


Sunday, January 30, 2011

Walang Title...

Kahapon, wala akong magawa at dahil mainit sa bahay, gumala akong mag-isa. Destination: SM NOrth.


Sanay naman akong gumagala mag-isa, basta may pera ako, ok lang. Pwede naman ako tumambay lang sa kung saan may malakas na wifi signal ahahaha... At pwede din nmn akong tumambay lang sa mga arcade, like Worlds of Fun. May mga kilala naman akong naglalaro din ng PIU na kinaadikan ko din. So ayun, natapos ang half day ko sa mall kasama sila....





Eto nga pala itsura ng PIU (Pump it up) na nilalaro ko. Para syang Dance Revo kaso 5 ang arrows, at mostly KPOP ang mga songs. (kaya sobrang adik ako, kasi kpop adik talaga ako)






At sympre, di ko din pinalampas ang pagkakataon na wala akong kpop cd na bibilin. I bought 2NE1 CD. (dapat magtitipid na ako eh.. haaayyyy). At another thing, dahil malapit ng maubos ang ZenZest perfume ko (aquamarine na super bango at Water ng zenzest), naisipan ko na din bumili at gastusin ang natitira ko pang pera kay Hayden Kho. ahahaha... Sa perfumes nya at wala akong paki sa kanya. Matagal ko ng gustong i-try to eh, ngayon ko lang nagawang bilhin. Ayun, sulit naman, I like the smell. Bango-bango!!!




Dapat ay ung 50 ml. lang muna ang bibilin ko para mai-try... Eh kaso, konti lang ang dagdag para maging 100 ml na sya eh... So ayun, 100 ml ang binili ko. Tamang-tama pang 2 months na gamitan ko ito. ahaha... Sabi nung nagtitinda, sa Valentines daw baka may free chocolate kung bibili ng perfume. Sinabi ko kung kung same price, hindi daw... may bayad ang chocolate. ahaha at iba daw packaging sa Valentines day.. Pero di pa daw sure yun... pinaplano plng daw ng management... Sabi ko sa kanya, babalik po ako para kunin ang chocolate ko, papakita ko lang ang resibo... natawa lang ang mokong. wahahaha... 


At bilang pakikiuso sa mga Chinese, bumili ako ng tikoy para pasalubong kay mama.... (na kami din ni kuya ang lalamon nun). Ang sarap gumala talaga... Pero mas masaya siguro kung kasama ko kayong mga bloggers... Meh ganun??!! wahahaha...


Friday, January 28, 2011

Kwentong Pamilya

Marami na din akong naririnig at nababasang kwentong about their families. Yung iba, masasayang kwento, ung iba naman telenovela ang dating. May tragic ending pa nga minsan. Pero ako, simple lang siguro kwento ng pamilya ko... Maliit na pamilya lang naman kami eh, si mama, papa, kuya at ako.


Minsan, di ko maitatanggi na naiingit ako sa ibang pamilya. Kahit sabihin nating sobrang big family sila, andun pa din ung kasiyahan sa kanilang tahanan. Unlike sa amin, 4 na nga lang kami, pero di kami ganong kasaya...


Gusto kong magkaroon ng nakatatanadang kapatid na babae. Parang mas masaya kasi ang pamilya kung madami kami sa bahay. Dalawa lang kaming magkapatid. Ako ang bunso. Four years ang agwat namin ni kuya ngayon - sya si kuya Ryan ko. Sa totoo lang, dapat ay 4 daw kaming magkakapatid. May dalawang nauna pa kay kuya - isang lalaki at babae. Kung sila ay buhay pa hanggang sa ngayon, siguro nasa 30+ years old na daw sila, may magandang pamilya na sila, at may mga mga makukulit na akong pamangkin at tatawagin nila akong tito rap....


Hindi naabutan ni kuya ung dalawang kapatid namin, baby pa lang daw kasi sila nang binawi sila sa piling ni mama. Ang sabi ni mama, blue baby daw sila. Sila ay sina "Kuya Richard" at "Ate Rosemarie"


Ngayon ko lang sila matatawag na Kuya at Ate. 


Ngayon lang.... 


dahil ngayon lang ako nagkaron ng pagkakataon na ikwento ito dito sa blog ko... Walang picture na naitago sila mama at papa. Basta lumaki lang kami ni kuya ko ngayon at nasa isip lang namin sila. Tanging ang pangalan lang nila ang alam namin... Sa tuwing sasapit ang all souls day, nagtitirik si mama ng 2 kandila para sa kanila. Sa ganoong pagkakataon lang din namin sila naalala.


Ano ba pakiramdam ng may ate?... 


Kasi nawala man ang isang kuya ko, meron padin naman akong isang natitirang kuya. Pero si ate, hindi man lang kami nabigyan ng pagkakataon na magkita. Siguro kung anjan sya, mag-eenjoy akong mag shopping kasama sya dahil un ang favorite ko din gawin na libangan. Siguro kung andito lang sya, aagawin at aangkinin ko ung mga cute na stuffed toys nya dahil gusto ko din ng mga iyon. Kung andito lang sya, mahihingan ko sya ng payo kung may napupusuan na akong babae para ligawan. Sya din siguro ang magluluto sa amin kung sakaling wala si mama sa bahay.... kung andito lang sana sya....

  
Bukod sa pagkakaroon ng ate, gusto ko din maging kuya sa iba. Gusto ko ung may tipong may inaalagaan at kinukulit ako kung may nakababata akong kapatid. Ako na kasi ang bunso kaya walang naglalambing sa akin. Gusto ko din na may pinagsasabihan ako, gusto ko ung tipong may sinusuway ako pag sobrang kulit nya... gusto kong paluin sya kung kinakailangan. Gusto kong maging responsible na kuya at kapatid sa kanya...


Hindi kami close ni papa. Maliit pa lang ako, nasa abroad na sya. Hindi daw talaga ako naging close sa kanya sabi ni mama, kasi nung maliit pa ako, kapag hinawakan nya ako sa kamay para matuto akong maglakad, ako daw ang lumalayo at kay mama ako pupunta.. Nakakatawa, pero totoo pala. Grade 1 ako nung huli ko syang nakita. Umalis sya uli at nag-abroad. Hinatid namin sa airport pero hindi man lang ako nakaramdam ng konting lungkot. Siguro dahil wala pa akong muwang sa mundo nun. Siguro ang isip ko lang lagi ay puro laro kaya wala pa akong alam kung ano dapat ang magiging emosyon ko nun.


Umuwi si papa para magbaksayon nung 2nd year highschool ako. 7 years old ako nung umalis sya, at after 7 years sya umuwi para lang magbakasyon ng ilang buwan. Nasa highschool na ako nun. Alam ko na kung paano mabuhay ng tama. May tamang pag-iisip na ako kahit papaano. Hindi ko pa din magawang lumapit at kausapin si papa. Ewan ko ba, pero parang wala akong balak kausapin sya. Kakausapin ko lang sya kung kinakausap din nya ako, pero di ako nagkwekwento. madalas OO o HINDI lang sinasagot ko. o kaya naman, straight to the point na sagot kung may tanong man sya.


Hanggang sa umuwi na sya talaga at hindi na bumalik sa abroad after kong mag graduate ng college. Nasa bahay lang sya, Kapag kumakain kami lahat, hindi uso sa amin ang kamustahan. Nood lang ng tv habang kumakain. Kapag nagku-kwento sya, nakikinig lang kami pero hindi ako nagre-react. Tahimik lang ako. Kung may gusto akong sabihin, kay mama at kuya ko sinasabi. At kapag tinanong nya ako, tulad ng normal na gawain ko, diretsong sagot lang din ang ibibigay ko. Kapag kaming dalawa lang naman ang naiwan sa bahay, hindi na ako lumalabas ng kwarto. Wala nga daw akong amor sa  kanya eh sabi ni mama at siguro naman alam din nya naman un... Kahit anong pilit ko sa sarili ko na baguhin na ang pag-uugaling meron ako sa kanya, parang di ko din magawa. Parang di ko padin maramdaman na anjan sya....


Si mama naman, sya lang ang nagpalaki sa amin ni kuya kasi nga nasa abroad si papa. Lahat ng hingin namin, binibigay nya naman kahit papaano - wag lang sobra. Mama's boy na ako, at aminado ako dun. At least may mabuting ina akong nag-aalaga sa akin at nanay ko naman sya at sobrang mahal ko sya. 



Si kuya naman, ayun, normal lang. Normal na magkapatid lang. Sa ngayon dahil pareho kaming nagwo-work na, bihira na kami magkita sa bahay. Makikita ko lang sya sa bahay pag-uwi nya ng gabi, ako naman ay tulog na nun. Gigising ako ng umaga para ako naman ang papasok sa work, sya ay tulog pa dahil mas maaga ang time ko sa kanya... 

Kaya ako na lang din ang inaasahan ko sa sarili ko. Kung gusto ko ng kausap, anjan mga workmates ko... anjan ang FB, anjan ang blog ko na kahit anong oras pwede kong kausapin. Anjan ang mga kpop cds ko para pakinggan at hindi ako mafocus sa drama ng buhay... Anjan ang TV, ang radio, ang ipod touch....ang malls,  ang cellphone. Lahat ng pwedeng pagkalibangan ay pwede kong gawin wag lang makaramdam lang pag-iisa... 




(ang mga litrato ay kuha last Dec. 31, 2010 - New year's eve 20)


Tuesday, January 25, 2011

Buhay ng isang Colboy

Hindi ko alam kung bakit ako napunta sa ganitong uri ng industriya. Hindi ko din alam kung bakit ko naisipan subukan ang ganitong gawain - dala ba ng pangangailangan o kapit lang ako sa patalim? Akala ko gaganda kinabukasan ko pag naging call boy ako... pero hindi ko pa din malasap ang sarap ng buhay dito. Ang tagal ko ng ginagawa to, pero nagsasawa na ako. Wala naman akong maisip na ibang pagkaabalahan maliban dito.

I have been in this industry for almost 2 years. Tama, 2nd anniversary ko na as Call Boy this coming April. Pero teka lang, magkaliwanagan lang tayo ah... Hindi ako literal na callboy kung ano man ang iniisip nyo. Hindi ako yung tipong bayaran lang sa tabi-tabi. Marangal na trabaho ang pinag-uusapan ko dito. Call boy kasi, I am working in a call center industry. Gusto ko lang tawagin sarili ko na call boy. hehehe...

Dahil sa hirap maghanap ng trabaho sa ngayon, masasabi kong ang call center industry lang ang madaling pasukan. Kahit sino pwede. No age limit. No specific gender required. After ko ng college, siguro mga after 1 year din ako hindi nakapagwork. Syempre kasama na ung desisyon kong maging tambay muna kahit saglit. (saglit pero inabot ng 1 year! hehehe) At pinasok ko na nga ang mundo ng pagiging isang call boy...

Ako ay nagwowork ngayon sa isang callcenter (CC) dito sa Fairview. Although hindi sya masasabi na isang corporate world, kasi ang mga katabing establishments ay malls, residential areas, schools at malapit din sa palengke! ahahaha pero atleast kahit papaano, malapit lang sa amin. Hindi hussle sa byahe. Sa 2 years kong pagwork dito, wala pa akong naipon sa sarili ko. Puro kasi ako gastos. Kulang na kulang ang sweldo. Hindi lahat ng call center ay malaki magpa-sweldo. Yun ay DEPENDE SA ACCOUNT at sa kung anong POSITION (TSR or CSR) at kung NIGHT SHIFT ka, syempre additional night differential. Depende din kung may YEARLY APPRAISAL, at mga iba pang benefits for example, sa sales, syempre may quota kayong kelangang sundin.

Sa kasamaang palad, sa CC na aking pinapasukan ngayon, ay walang ganun sa ACCOUNT namin. Basic kung basic salary lang talaga. WALANG APPRAISAL, WALANG NIGHT DIFF (kasi day shift kami eh, New Zealand account kasi kami kaya morning shift). Technical support representative ako. We deal with broadband connections, email, modem, etc... pero nakakainis, kasi hindi lang kami basta TSR, kundi slash CSR na din. At higit sa lahat, NAKAKAPIKON NA KASI ANG PANGET NA NG MANAGEMENT NG COMPANY. Haaayyyyyy....



Paano malalaman kung call center agent ang isang tao?


Hindi lahat ng mga CC agents ay mayayaman. MUKHA LANG MAYAMAN kung tignan kasi sunod sa fashion at mostly ay mga nasa edad 19-30's ang mga tao. May panggastos kasi kaya nasasabing "mejo sosyal". Party goer minsan. Gimik dito, gimik doon. Kahit tanghaling tapat, may inuman session. hehe. adik talaga. Hindi din lahat ng CC agent ay nabubuhay sa kape. Ako, ni minsan ay hindi uminom ng kape. Hindi ako sanay sa mainit at umuusok na inumin. Kung iinom man ako ng kape, Java Chip Frappe lang sa Starbucks (at nag-promote pa!). Hindi kasi kape para sakin un, parang shake lang. (coffee flavor nga lang. hehe)

Most CC agent ay may jacket. Fashion statement na namin yun.. Hindi ka masasabing CC agent kung wala kang jacket. Ang lamig naman kasi sa floor eh. Malas mo lng kung nasa ulunan mo pa ung mismong aircon. Hindi din mawawala sa mga CC agent ang earphones at mp3 na nakakabit lagi sa tenga lalo na kung nasa byahe. Nasanay na siguro kaming may nakalagay sa tenga namin kahit walang calls... For me, may mp3 ako para marelax ako habang nasa byahe at di agad ma-stress. At eto pa, pabonggahan ng gadgets! (talo ako dito... kasi walang asenso sa company namin. ahaha)

Habang may calls lang kami todo effort sa english. Pag avail, chika to the max. Murahan dito, murahan doon. Tae, ang sakit sa ilong kung puro english na lang. ahahaha... Todo browse na din kung hindi nakablocked and website. Sanay na sanay kami sa multi tasking. Eto nga at habang may call ako ngayon, ginagawa ko tong entry na ito. Ang hirap kaya mag type in Tagalog tapos magsalita in english. Kapag nadulas pa ang dila namin at may masabi kaming tagalog word... at narecord - PATAY! Incident Report ka at dito samin, 1 year to clear! (ngayon ata 3 months nlng, pero last year, 1 year to clear talaga) ahahaha..

Sanay din sa puyatan. Ako, kahit hindi kami graveyard shift, minsan pag may lakad at gimik ako, more than 48 hours na akong gising at walang tulog (pero may ligo naman un ah). Natutulog na lang ako pag naka-hold si customer at gusto ko lang magpetiks. Pero di talaga maiwasan ang makatulog habang may call, lalo na sa madaling araw.

Online sa madaling araw kahit weekends or walang pasok, ibig sabihin di agad makatulog kasi nasanay na gising kahit madaling araw.

Minsan conyo. pa-sosyal ang dating. Pag oorder sa resto or fast food, english pa ang putangna! ahahaha. Ang arte!

Gusto lagi ng aircon, nasanay na sa malamig kasi nakakaputi daw. (tinamaan ako dito ah.. ouch!)

Pag galit, ang bilis magsalita at minsan english pa kung magalit.... (dudugo na lang ilong mo kahit di ka pa nya nahahawakan or nasusuntok)

at iba pang signs kung pano malaman na ang tao ay isang colcen agent, 100 ways to know na sa callcenter ka nagtatrabaho.


Regarding sa metrics, ok naman sya. Hindi naman ako performer at wala akong balak maging top agent. Wala naman dagdag sweldo kung mabigyan ka ng award eh. Nasa gitna lang ako. Pwedeng pwede ako magpakagago kung gusto ko. ahahaha. Wasiwas dito, wasiwas ng call doon. Transfer sa ibang department kung sobrang irate si customer at naghahanap ng supervisor!. ahahah.... (tamaan din kayo! ginagawa nyo din yan! ahahaha) O kaya naman, dahil mabilis uminit ulo ko, makikipagsabayan ako ng sigaw kay customer at ipapamukha ko sa kanya na tanga sya kasi di sya marunong sumunod ng instruction. "right-click" lang ng mouse, puta di alam kung paano.Tapos ang lakas ng loob magkaroon at gumamit ng computer at magrereklamo kung bakit walang internet connection. MGA BOBO!!!! ahahahahaha...

Bestfriend namin si MUTE button. Kung ano-anong bad words ang nasasabi namin pag kami ay naka MUTE. At after namin magmura, balik kay customer at magpapaka-plastik na kunyari willing namin silang tulungan. Pero deep inside, iniisp namin na sana maghang-up na sya.

Nakaka stress na talaga sobra. Saludo ako sa mga nagtatagal sa pagiging agent for 5 years at knowing na american acount pa sila. Pero wala naman pinagkaiba kung american or new zealander (kiwi) ang tumatawag, pare-pareho lang silang mga bobo! ahahaha....

Sa ngayon, nagiisip na akong lumipat ng ibang karera.. siguro by next month… Konting tiis tiis muna… konting panggagago pa. wahahahahaha




Call Center Survival Tips for Pinoy Agents. Nakita ko lang to at promise, maraming totoo dito! ahahaha...





Sunday, January 23, 2011

The Past - Part 4: Finale

Nagdecide friend ko na never muna sya uli papasok sa isang relasyon na hindi nya alam kung makakayanan nya na. Hindi pa din sya handa hanggang sa ngayon. Priority nya daw muna ang sarili nya at ang kanyang pamilya. Para sa kanya, darating din daw naman ang tamang panahon na yun kung saan ay talagang handang-handa na sya. Ayaw nyang magmadali. Siguro, crush crush pwede pa... ung tipong wala lang. Pero kung commitment na ang pag-uusapan, no comment daw sya. Malungkot sya habang kinukwento nya sakin ang lahat ng ito. At ako habang sini-share sa blog ko, nalulungkot din ako. Inisip ko na parang sarili ko ang nasa katauhan ng friend ko - ung tipong AKO TALAGA YUN!...


Sa tagal namin magkakilala ng friend ko, halos madami din kaming similarites. Bihira sya mag-open ng ganitong seryosong topic sa ibang tao. Maging sakin, first time nya lang nasabi ito. Nakarelate naman ako. In fact, parang ganun din ang story ng buhay ko.... ng buhay pag-ibig ko sa ngayon. Nagtataka nga ako kung bakit naisipan nyang iopen ang topic na ito sa akin. Biglaan lang ba. Kilala ko sya na hindi talaga nagkukwento ng about sa lovelife nya. Siguro napagod nadin sa mga tanong na natatanggap nya. Paulit-ulit kasi kung sasagutin nya ang mga tanong na iyon, so siguro para isang bagsakan nalng, sinabi na nya.


Nga pala, nakalimutan kong ikwento ung nangyari nung first monthsary nila. Sumapit ang monthsary nila. hindi alam ni friend kung ano ang gagawing gift sa GF nya. Ayaw daw nyang mag-effort pero gumawa na lang sya ng isang letter, story kung ano ang feelings nya para sa kanya. Lahat ng gusto nyang sabihin, ay sinabi nya. Nirecord na lang nya un dahil nasa IT course naman sila at para naman may pagka-techy ang effect. ahaha... Binurn nya sa CD. Nagprint sya ng pictures, may mga pictures at kung ano-ano pa. Binigay nya sa GF nya ung CD at maganda packaging with ribbon pa! Bongga! ahaha.  Ang binigay naman sa kanya ng GF nya ay SMART SIM, dahil smart si girl at globe si friend. Dalawa cp ni friend kaya carry lang daw... ahaha.. natatawa ako sa kanilang dalawa! Ahahahaha


Sabi ng friend ko, nasa kanya pa din daw ung SMART SIM na bigay ng EX nya. hindi na nga lang active kasi matagal ng blocked ung number. Hindi kasi niloloadan dahil loyal sa globe si friend. Hindi naman nya natatanong si EX nya kung nasaan na ung CD na binigay nya. hehehe...


Sa ngayon, si Friend at EX nya ay friends uli. Naging friends din sila after nung breakup nila - after mga 2 months din ata. So, they were friends again until they have finished their college.... and until now. May communication pa din sa kanilang dalawa. Parang balik sa normal nilang asaran tulad nung dati nilang asaran nung hindi pa naging sila. Mas masaya silang dalawa ngayon. Parehong single. Gumigimik with same barkadas, as in parang walang pinagbago. Nagtetext. Nagpe-facebook. Nagbebeso kapag nagkikita. Para sa kanila, PAST IS PAST na. Wala na sa kanila ang nangyari that time. Hindi na din nila napag-uusapan ang nangyari. Kapag nagtatanong ung ibang berks nila about their lovelife, masaya nilang isasagot na "WALAAA!!!!" ahahaha......


Eto ang story ng friend ko. Ang friend ko na itago natin sa name na RAP. Sa sobrang close namin, pinayagan nya akong ishare ito senyo. Ahahaha... Ang haba pala. Naka-4 parts pa ang pota! ahaha. Pero masaya naman kasi naalala ko lahat. Kung may nakalimutan man ako, siguro, talagang hindi ko na talaga maalala... At kahit papaano, thankful ako kasi anjan pa din sya…




Epilouge:


Napaharap ako sa salamin. Wala kasing magawa eh..
Bigla ko lang maisipan magseryoso. Di ko alam kung bakit...

Nang dahil sa biglang nag-alarm ang cp ko habang nakatitig ako sa salamin, naalala ko ang lahat. Nang dahil sa SMART SIM na blocked na… nang dahil dun, naalala ko ang first love story ko… 




------------------------------------------ End ---------------------------------------------





Complete story:








Saturday, January 22, 2011

Reasons why I B - L - O - G.

Tinanong ako ng ilang friends ko na mahilig makialam sa buhay ng iba kung ano daw ba ang napapala ko sa pagba-blog?... Natahimik ako... Hindi dahil sa hindi ko alam ang isasagot ko at hindi dahil sa hindi ko kayang mangatwiran sa kanila, pero ang sa isip ko, kapag sinagot ko sila sa paraang hindi nila nakasanayan ay magiging useless din ang paliwanag ko dahil hindi din nila ako maiintindihan.

Ayokong gumamit ng mga malalalim na salita or kahit ano mang talinghaga. Hindi ako professional na writer at eto ay aking hobby lang. Pampalipas oras lang talaga ito sakin. Pero sinisigurado ko na kung magpalipas man ako ng oras, ang mga oras na yun ay may kabuluhan sa buhay ko at hindi basta-basta sinayang na oras lang.

Sinagot ko sila sa tanong nila. Bakit at ano daw ba ang napapala ko dito?


"Nagba-blog ako dahil masaya akong gawin to - katumbas ng ligayang nararamdaman nyo kung sakaling nabigyan ka ng regalo,.. katumbas ng feeling na bagong kain ka at nabusog ka… same reason kung sakaling napapatawa ka ng iba. Kung ano ang feelings at mood mo, pwede mong ilabas dito. Hindi ka kelangan magpaka-plastik… at kung may passion ka sa pagbabasa at pagsusulat, maiintindihan nyo din ang ibig kong sabihin…"


Eto lang ang isinagot ko sa kanila. Hindi ko man sila sinagot ng straight to the point, hinayaan ko silang pag-isipan kung ano man ang gusto kong iparating sa kanila… natahimik sila…  at dahil sa kanila, eto pa ang ilang reasons ko kung bakit ako nagba-blog.


Nung una, hindi ko alam ang pinagkaiba ng blogging sa diary or sa daily journal lang na ginagawang project sa school noon. Basta ang alam ko lang na pinagkaiba nya, kapag sinabing "blog" dapat ay online at may computer ka. Kung diary at journal lang naman, notebook or scratch paper lang pwede na... hehehe. Ang tanga na naman ng comparison ko. Muntanga lang! LOL


Bakit nga ba ako nagba-blog?

Siguro, nainspired ako nung elementary na magsulat. Naging staff ako ng school paper namin dati. I joined inter school journalism contest pero inaamin ko, ginago ko lang ung contest na yun. ahahaha. Naimpluwensyahan ako ni Bob Ong dahil sa paraan ng pagsulat nya ng mga libro. Yung tipong nagkukwento lang sya. Nagtapos ako sa isang State University (PUP) na kilalang pugad ng mga aktibista, kung kaya't exposed ako sa mga bulgaran, makatotohanan at direct to the point na pambatikos, pero wala akong paki sa gobyerno, binabatikos ko lang ung mga kaputahang ina na ginagawa ng mga taong masama ang tingin sa akin hehehehe. Malaya ako kung ano ang gusto kong sabihin at ishare sa iba. At dahil dito, nainvolved ako sa mundo ng blogging, kung saan naging kakampi ko din ang blogsite ko sa mga oras na ako lang ang mag-isang nagdadalamhati sa sarili kong mundo....


I blog just to treasure every moment of my life. Alam kong maikli lang ang buhay. Di natin tiyak kung hanggang kelan tayo mabubuhay sa mundo. Ayokong dumating sa point na pagtanda ko ay wala na akong maalala na kahit ano. Sayang ang memories... Hindi ko man maiblog lahat, at least kahit papaano meron konti kesa sa talagang wala. Kung babalik lang siguro ako nung araw na ako'y pinanganak, isusulat ko lahat ng mangyayari sakin araw-araw....

I blog to express my own thoughts. Di ako yung taong kayang sabihin ng harapan ang mga seryosong topic minsan. Wala nga daw akong kwentang kausap sabi ng iba. Para akong pipi minsan. Kung magsalita man ako, mga 1-liner lang ang nasasabi ko. ahaha. Pero dito sa blog ko, wala akong paki kung sobrang haba or sobrang ikli naman ng nasusulat ko. Siguro dahil mas may time akong mag-isip kesa sa totong question and answer moment...

I blog not to impress, I blog just to express. Luma na ang linyang ito. Madami din akong nakitang ganyan sa ibang blogs. Totoo naman eh, hindi para magmayabang ang pagkakaroon ng blog. Wala naman akong maipagmamayabang, kasi hindi naman ako artista para pag-usapan. Siguro kung may mga taong nagsasabi na ang yabang-yabang ko "daw", siguro sila yung taong nabibilang sa mga taong may itinatagong insecurites sa buhay. hehehe...

More on personal kagaguhan ang theme ng blog ko. Hindi ako nagba-blog para mag promote ng kung ano-anong produkto. Hindi ako gumagawa ng mga technical reviews sa mga bagong gadgets at sa kung ano ang uso ngayon. Gustuhin ko man gumawa ng isang photo blog pero dahil sa kahirapan ng buhay, wala akong DSLR! wahahaha. pathertic! Hindi din ako naka-focus sa isang topic lang, for example, ung iba kasi about love lang ang blog nila, about sex, about friendship, about movies... eh gusto ko kasi all around. Everthing under the sun.

I blog not to gain followers. Uso sa ibang blogsites yan. May takutan pa ngang nagaganap kung minsan eh, "follow mo ko, follow din kita!" DUH??!!! ahaha... HIndi ko naman inexpect na may magpa-follow sa akin kagaya ng mga followers ko ngayon. At kung sakali man na I followed you back, its because I like your blogs too. Ganun lang yun ^^, I enjoy reading and following you. heheh... (uyyyy kinikilig sila.. ahahah) Kung magkaharap lang siguro tayo ng personal, susundan din kita. (naglalaway pa) LOL.

I blog in a Tag-Lish way. wala lang, maarte ako eh. ahahahaha... That explains all. (eto ang sample ng 1-liner na sagot)



Kelan ako nag-start mag blog??

Hindi ko na maalala ang exact date. Pero itong blogspot ko ay ginawa ko after ng trahedya ni Ondoy. Madami akong kino-consider na blogsites. Di ko na nga lang naisalba ang iba. hehe


Bakit "My Replica" ang blog name ko??

Kapag ba tinanong kita kung bakit ganyan ung blogname mo, sasagutin mo din ba ako? hehehe... Okay, siguro naman nabasa nyo ung description sa itaas. Ganun lang kasimple. It's my replica in a "literature" way nga lang. Hindi ko na alam kung ilang blogsite ko na ang hindi ko nai-maintain. siguro 2 lang ata... Kaya mula nung naging active uli ako sa blogging, sinikap kong alagaan at imaintain ang blogname kong "My Replica".  

Ang blog na ito ang "other side" ko. Kilala ako ng mga friends as makulit at masayahing tao. Siguro kung bigla akong mag-emote sa harap nila, laking gulat na lang nila siguro. ahaha. Madalas nilang sabihin na baka daw magunaw na ang mundo pag mag emote ako sa kanila. ahahaha. Wala sa mga friends ko ang nakakaalam ng blog na ito. kung meron man, iilan lang at alam kong hindi naman nila ipagkakalat ang mga kwento ko dito sa blog na ito. hehehe

Masarap magblog. Magkakaron tayo ng interactions sa isat'isa dahil sa comments na naise-share natin. Hindi man natin lubusan kilala ang isa't isa, sa pagbabasa ng mga entries natin, magkakaron tayo ng idea kung ano ang personality ng bawat isa. We need to explore life... We can gain and learn experiences on those blogs...  


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...